“Ang Lolo mo wala na…”

Natanggap ko ang text message na ito ng aking ina habang ako ay nasa opisina na kasalukuyan noong nasa orientation sa isang conference room.  Ang mga ganitong “expression” ay madalas na ginagamit na biro dito sa Pilipinas.  Nakakatawa siya kung alam mong biro ito.  Pero iba pala kapag alam mong seryoso.

Nagulat ako ng mabasa ko ito.  Bigla ko itong nasabi sa aking mga katabi at ang reaksyon nila ay hindi ganun kaseryoso.  Nalungkot na ako kaagad.  Gusto kong itago pero di ko na mapigilan.  Dahil ongoing pa ang orientation ng huling speaker pinilit kong i-compose ang aking sarili.  Pagkatapos ng orientation ay napaluha na ako habang nagliligpit ng mga upuan sa board room.  Pinipigilan ko ngunit gusto ng lumabas ng aking luha.  Hanggang sa napansin na ng aking mga kasamahan na mapula na ang aking mga mata at umiiyak na ng tahimik.

Pinauwi na nila ako para makapunta na sa aking lolo.  Ang totoo hindi ko alam kung anong gagawin ko.  Kung pupunta na ba ako kaagad doon o kakain muna ako.  Ang tagal kong nag-isip bago ako nagdesisyon na pumaiba muna ng direksyon at maghanap ng kakainan upang makaupo at makapag-isip ng maayos.

Isa sa aking mga naisip, isa nanamang mahal ko sa buhay ang nawala.  Nung una ay aking matalik na kaibigan.  Ngayon naman ay ang aking lolo na malapit sa akin.  Sa mga huli naming pag-uusap nung siya ay nakakapagsalita pa ay ikinukuwento nya sa akin na ipinagdarasal daw niya na ako’y magkatrabaho na.

Hindi ko na sa kanya naikwento na ako’y may trabaho na, 2 lingo na ang nakalilipas.  Gusto kong ikuwento sa kanya na ako’y nag-eenjoy sa aking trabaho at kahit na nahihirapan ako sa umpisa pa lang ay kinakaya ko naman at pinagbubuti.  Gusto kong sabihin sa kanya na natupad na ang kanyang dasal.

Hindi ko ito naisip noon.  Ngayon lang na wala na siya.  Akala ko ay maaabutan ko pa siya pagtapos ng aking trabaho; balak kong dumalaw sa kanya.  Di na ako nakaabot.

Sa aking isip, ano kaya ang mensahe noon?  Matagal na di ako dumalaw sa aking lolo na parating nagdarasal para sa akin na makapagtrabaho na muli.  Siguro sabi niya, sapat na iyon na naging busy na ako at nagkaroon na ako ng trabaho.  At saka wala na siyang dapat alalahanin.

Natutuwa ako sa isang banda na nag “let go” na siya.  Siya ay 97 na taon ng nabubuhay at matanda na siya.  Hindi na siya nakakatayo at di na rin makakain.

Iba pa rin na mawala ang isang taong alam mong wagas ang pagmamahal sa iyo.  Na walang hinihiling na kapalit kundi makita ka lamang at mas maganda kung ikaw ay masaya.  Hanga ako sa kanyang tatag dahil kahit na lagi na lamang siyang nakahiga at alagain na at alam naming miss na miss na niya ang lola na nasa langit na ay pinilit pa rin niyang gumising at bumangon bawat araw upang may lolo pa kami na siyang dahilan upang kami ay magtipun-tipon na kanyang pamilya.  Masaya siya kapag nakikita niya ang buong mag-anak at mga magkakamag-anak na magkakasama para sa isang okasyon.  Sa aking lolo at lola ko nalaman ang ganitong kaugalian ng mga Pilipino.  Sa mga pagtitipong ito, dito nalalaman ng isa’t isa ang mga hinaing at kailangan ng bawat isa.  Sa ganitong paraan natutulungan at nabibigyang pansin ang mga pangangailangan ng isa’t isa, mapa-moral o pinansyal na suporta.  Ito ang pamilyang Pilipino.  Sa ganitong paraan nagkakaroon ng bayanihan.

Ang aming angkan ay purong tagalog mula sa lalawigan ng Mindoro Oriental.  Lumaki akong lagi kaming nagtitipun-tipon na magkakamag-anak at sa mga okasyon na ito ay nagbibigay ng talumpati ang aking lolo.  Nagbibigay ng mga salitang marangal para sa mga taong naroroon.

Paunti-unti ang ganitong senaryo ay hindi na naipapakita.  Marami ay hirap nang magsalita sa purong tagalog.  Hindi ko rin naman ninanais na magsalita ng purong tagalog palagi ngunit dahil sa ito ang kinalakihan ko, marunong akong magsalita ng mahusay nito.  Natutuwa ako sa pamanang ito ng aking lolo.  Hindi siya mayaman sa materyal na bagay ngunit mayaman siya sa mga bagay na naipapakita na siya ay namuhay ng marangal.

Salamat lolo.  Binigyan mo kami ng magandang pamana.  Ito ay yaman na nakaukit na kung baga sa ating lahi–sa lahing Filipino.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s